Thursday, February 4, 2016

The Bands of Mourning





Ang pinakanakakainis na bahagi ng The Well of Ascension ay ang pagtransform kay Elend tungo sa pagka-Mistborn. Nilipat tuloy mula kay Vin papunta sa kanya ang pagkabida. Sidekick lang dapat s'ya e, ang aristokratang may mali-maling pagkakaintindi sa demokrasya. Pero hindi naman kasi si Collins si Sanderson, kaya mali-mali ang sexual politics. Kapantay nito sa lebel ng hindi maaaring mapatawad ang mga filler scenes sa The Hero of Ages. Nagskip talaga ako ng mga pahina. Dito rin sa Bands, nagskip ako. Sorry Sanderson, pero hindi naman ako nagbabasa para bagsakan ng paglalarawan ng mga nagbabarilan na wala namang punto.

Binili ko ang The Alloy of Law dahil naka-sale ito sa National. Marami talagang interesanteng ideya si Sanderson, at nabighani ako sa figura ni Miles Hundredlives. Magaling talaga s'ya sa pagwork out ng magical systems. Tsaka syempre, pag meron namang punto ang mga eksena ng patayan, exciting basahin ang mga ito.

Bagaman hindi kapani-paniwala ang pagmamahal ni Wayne kay Ranette (mas gusto ko pa rin 'yung back story n'ya sa Shadows of Self kung saan inaaway s'ya ng anak ng taong pinatay n'ya, at lagi s'yang nagpepenetensya), talagang malinis ang love story nina Wax at Steris dito sa Bands. Magaling talaga si Sanderson sa pagmamahalan, basahin lang ang huling mga talata ng The Final Empire, o ang Steelheart at Firefight. Gayundin, mahusay ang representasyon ng pagfall out of love ni Marasi kay Wax. Syempre, ideolohikal ang pagturing sa mga tauhan bilang tao.

Gusto ko rin dito sa libro ang pagsurvive ng Lord Ruler para kahit papaano ay magpenetensya. (Pero hindi ko gusto ang spoiler na buhay ang "multo" ni Kelsier. Nag "survive" ang Survivor kasi nga namatay s'ya. Ano ba namang bahagi ng teolohiyang iyon ang hindi mo magets, Ginoong Sanderson?) Naiinis ako na meron na namang paraan para magbigay ng pagka-Mistborn kahit kanino (ang Bands of Mourning ng pamagat), lalo na't nalaman ko (ngayon lang) na ginawa palang Mistborn si Spook (ni Harmony?) sa epilogue ng The Hero of Ages (medyo hindi ako attentive magbasa).

Nakakainis din na lahat na lang binibigay ni Sanderson kay Harmony. Mahina pa rin ang pagpapaliwanag kung bakit hindi nito tinutulungan ang mga tao lagi-lagi. Mas gugustuhin ko ang walang hanggang sarap kaysa may hangganang kalayaan. AT kung tunay nga tayong malaya, dapat pwede tayong pumili sa pagitan ng dalawang option na 'yan. Para namang tanga si Wax kung maniniwala s'yang masayang lumipat sa kung saang realm ang kaluluwa ni Lessie (na panay Leslie ang tawag ko).

Sobrang kupal ni Wayne kay Steris sa Shadows, kaya't mabuti pinagsabihan na s'ya ni Wax dito sa Bands. Speaking of kupal, ang kupal nga lang ni Telsin/Sequence. At nakakatawa ang pagpatay nila kay Suit.

Akala ko ito na ang huli sa trilohiya. Tetralohiya pala itong seryeng Wax and Wayne. Okay lang, gusto ko pa rin naman ang mga tauhan. At talagang walang guilt sa pagskip sa mga pahina ni Sanderson, kasi bagaman may lalim ang kanyang mga ideya, wala ang mga salita. Samantala, hinihintay ko ang Calamity na dapat ay tamang tapusin ang seryeng Reckoners, pati na rin ang Death's End ni Cixin Liu.