Monday, February 22, 2016

Calamity




Steelheart pa rin ang pinakamaganda sa trilohiya. Madalas, ang pangalawang libro sa ganitong serye ang pinakapangit, kasi set up lang s'ya sa ending. Hindi ito ang kaso sa Reckoners, kasi mas maganda pa rin ang Firefight kaysa dito sa Calamity.

Unang problema, ang hilig kasi hindi Sanderson na ilevel up ang kanyang mga bida. Hindi ko na uulitin dito ang kaso ni Elend sa Mistborn, pero maasar talaga ako kung gawin n'ya ito kay Adolin sa Stormlight Archive. Sa Reckoners, ayun nga. Ang magaling nga kay David ay tao lang s'ya. Ang magiting nga sa kanya, kaya n'yang tanggihan ang kapangyarihan. Pero ayun, sa dulo, naging s'ya si Steelheart. O sige, mahusay ang simetri, pero nasira ang character development. (Mali rin ang tayming ng pagmanifest nito. Bakit kailangan noong bumubulusok sila e kaya namang gumawa ng forsfild ni Prof? Wala namang panganib, di tulad noong nakagawa si David ng shild habang binabaril sila.)

Pangalawang problema, naging misteryo lang si Calamity. Hindi ito tulad ng Mistborn o ng Elantris na bukas pa ang universe pero bukas pa ang kwento. Ano si Calamity? Bakit s'ya nega? Bakit ganun na lang ang epekto n'ya sa mga tao? Tao kasi s'ya e, o entidad. Samantalang ang Lord Ruler may background, panaginip, motibasyon, trahedya, sfx lang si Calamity (para tuloy s'yang ang manlalakbay ng sansinukob sa Excession ni Banks). Ngayon, okey lang sana 'yon at hindi panira. Kaso minadali rin hindi lang ang nilalaman kundi ang anyo ng nobela--dalawang kabanata lang para magkaroon ng konklusyon. Hindi ko binibili ang "pagtanggap" ni Megan sa kung anong katarantaduhan ang kailangang tanggapin ng isang may kapangyarihan para ariin ang kanyang kapangyarihan at hindi maging salamin lamang ni Calamity. Malabo ang mitolohiya ng trilohiya, na hindi problema ng Steelheart pero problema ng Calamity. Simple lang kasi dapat ang solusyon sa mga konvyuluted na banghay. Si Steelheart, napatay kasi ang kahinaan n'ya ay taong walang takot sa kanya. E si Calamity... Ang kahinaan n'ya ay... makumbinsing s'ya ang masama? Kapanipaniwala ang paggapi kay Prof kasi tatlong nobela nang kinakalikot ang kanyang puso't isip. E si Calamity? Hindi sa mali ang pamagat ng nobela, mali lang ang paghandel nito sa pinakaimportanteng tauhan.

Pangatlong problema, nabanggit din naman si Megan, sobra-sobra naman ang kapangyarihan n'ya. May mga batas si Sanderson, hindi ko alam kung ang una o ikalawa itong isasayt ko, at hindi eksakto ang pagkakaalala ko sa kanya, pero: hindi dapat maging solusyon sa problema ang mahika kung hindi sapat ang pagkakapaliwag nito. Dahil mala-diyos ang kapangyarihan ni Megan, s'ya na lang ang laging inaasahan. At sa "pagtanggap" n'ya nito, wala na itong consequences. Para tuloy s'yang Mage na wala nang inaalalang Paradox. O Superman sa mundong walang kryptonite.