Monday, January 25, 2016

Wittgenstein Jr.



Natutuwa ako sa mga nobelang may "A Novel" bilang subtitle dahil kakaiba ang mga pamagat at baka akalaing cnf. Cover pa lang dapat nagbebenta ka na.

Ano pa ba ang pwedeng sabihin tungkol kay Lars Iyer? Nakakatawa ang Exodus, at pinakamagandang nobela sa kanyang trilohiya ang Spurious. Ganito lang ba s'ya magsusulat magpakawalang hanggan? Nasaan ang pag-abante mula sa trilohiya?

May "plot" na kasi kahit ang Spurious, pero sige, sabihin na nating kulang iyon. Pero ang sa Exodus, plot na talaga. Kaya hindi matatawag na bago ang plot sa Wittgenstein Jr. Ang ibig kong sabihin, ba't di ko na lang basahing muli ang trilohiya?

Ang kakaiba rito, syempre, ay ang pagmamahal ni Peters kay Wittgenstein Jr. Kaya nga lang, biglaan ito. Hindi sapat ang naging foreshadowing. At isa pa, maiintindihan kung bakit n'ya gustong makasex si Wittgenstein Jr. (sapiosexuality ba ito?), pero ang hindi maintindihan ay ang kanyang pagmamahal. "Am W.'s boyfriend," text n'ya sa isang kaibigan, nagmamalaki.

Sinubukan kasing magrepresenta ng tao ang nobela, e hindi naman bagay ang istilo nito sa represenstasyon, ng tao o ng pagmamahal. Bagaman hindi totoo na "Love is unutterable" (tulad ng sabi ni Wittgenstein Jr.), pwede nating sabihin na hindi nga ito pwedeng iusal sa paraan ni Iyer. At ang patunay ng proposisyong ito'y ang kawalan ng fuerza ng "He's gone" bilang huling pangungusap ng nobela.

Kung gayon may dalawang daan ang maaaring hinaharap ngayon ni Iyer. Sa isa, babalik na lang s'ya sa katarantaduhan tulad ng kina Lars at W. Doon naman s'ya magaling. Sobrang kupal lang ng put down n'ya kay Badiou sa Exodus. At dito sa Wittgenstein Jr., walang tatalo sa mga dula ni Guthrie.

Ang ikalawa n'yang maaaring gawi'y tahakin ang mas nakakapanibagong daan. Iyong hindi s'ya aasa sa tricks na alam na n'ya (halimbawa iyong mga italics na benta nga naman). Iyong maghahanap s'ya ng bagong eksperimental na anyo na kayang maging tahanan ng mga paksang hindi nga pangungupal (halimbawa, pagmamahal). Kasi hindi tugma e. Hindi akma. Hindi sakto.



No comments: