Monday, January 25, 2016

Wittgenstein Jr.



Natutuwa ako sa mga nobelang may "A Novel" bilang subtitle dahil kakaiba ang mga pamagat at baka akalaing cnf. Cover pa lang dapat nagbebenta ka na.

Ano pa ba ang pwedeng sabihin tungkol kay Lars Iyer? Nakakatawa ang Exodus, at pinakamagandang nobela sa kanyang trilohiya ang Spurious. Ganito lang ba s'ya magsusulat magpakawalang hanggan? Nasaan ang pag-abante mula sa trilohiya?

May "plot" na kasi kahit ang Spurious, pero sige, sabihin na nating kulang iyon. Pero ang sa Exodus, plot na talaga. Kaya hindi matatawag na bago ang plot sa Wittgenstein Jr. Ang ibig kong sabihin, ba't di ko na lang basahing muli ang trilohiya?

Ang kakaiba rito, syempre, ay ang pagmamahal ni Peters kay Wittgenstein Jr. Kaya nga lang, biglaan ito. Hindi sapat ang naging foreshadowing. At isa pa, maiintindihan kung bakit n'ya gustong makasex si Wittgenstein Jr. (sapiosexuality ba ito?), pero ang hindi maintindihan ay ang kanyang pagmamahal. "Am W.'s boyfriend," text n'ya sa isang kaibigan, nagmamalaki.

Sinubukan kasing magrepresenta ng tao ang nobela, e hindi naman bagay ang istilo nito sa represenstasyon, ng tao o ng pagmamahal. Bagaman hindi totoo na "Love is unutterable" (tulad ng sabi ni Wittgenstein Jr.), pwede nating sabihin na hindi nga ito pwedeng iusal sa paraan ni Iyer. At ang patunay ng proposisyong ito'y ang kawalan ng fuerza ng "He's gone" bilang huling pangungusap ng nobela.

Kung gayon may dalawang daan ang maaaring hinaharap ngayon ni Iyer. Sa isa, babalik na lang s'ya sa katarantaduhan tulad ng kina Lars at W. Doon naman s'ya magaling. Sobrang kupal lang ng put down n'ya kay Badiou sa Exodus. At dito sa Wittgenstein Jr., walang tatalo sa mga dula ni Guthrie.

Ang ikalawa n'yang maaaring gawi'y tahakin ang mas nakakapanibagong daan. Iyong hindi s'ya aasa sa tricks na alam na n'ya (halimbawa iyong mga italics na benta nga naman). Iyong maghahanap s'ya ng bagong eksperimental na anyo na kayang maging tahanan ng mga paksang hindi nga pangungupal (halimbawa, pagmamahal). Kasi hindi tugma e. Hindi akma. Hindi sakto.



Saturday, January 16, 2016

Deleuze and Guattari's A Thousand Plateaus





Sabi nina Deleuze, mas mahalaga sa pagiging totoo ng isang proposisyon ang pagiging interesante o kamangha-mangha o may silbi nito. Meron bang interesante, kamangha-mangha, o may silbi sa gabay na itong isinulat ni Brent Adkins? Oo, medyo oo, medyo.

Lubhang napakahirap basahin nina Deleuze (pwera siguro ang Presentation of Leopold von Sacher-Masoch), at nakakatuwa pag may darating na magpapaliwanag at masasabi mo sa sarili mong hindi ka pala nagsasayang ng oras sa pagbabasa ng basura (halimbawa, ang gabay ni Michael Hardt sa unang bahagi ng Anti-Oedipus). Marami namang naipaliwanag si Adkins dito (halimbawa, ang kahulugan ng "body without organs" [ito ang katawang hindi nahati-hati at naorganisa ayon sa isang klasipikasyon, i.e. ito ang katawang mayroon pang potensyal na maging ganito't ganire], pari na rin ang "abstract" sa "abstract machine" [ang abstract ay kabaliktaran hindi ng concrete kundi ng discrete, i.e. ang abstract ay hindi pa rin nakakaklasipika ayon sa isang sistema at mayroong potensyal]). Pero hindi tulad nina Zizek at Fink tungkol kay Lacan, kung saan pagkatapos mo sa paliwanag ay maaari mo nang puntahan ang primaryang teksto at kahit papaano'y mas handa ka nang basahin ito nang mag-isa, sina Deleuze ay nanatiling sarado.

May limitasyon ang naging lapit ni Adkins. Bawat kabanata'y dapat tuamyo sa sarili nito, pero nagiging dependent ang kanyang mga diskusyon sa mga naunang pagbibigay-kahulugan sa mga naunang bahagi. Kunwari, sa unang kabanata, binigyang-kahulugan ang "chuchu" bilang "mekmek ng langis." Sa ikalawang kabanata, babanatan ka ng "ang 'peper' ay chuchu na ginapos." Pagkatapos, sa ikatlong kabanata, hihirit naman ng "kung sa paper ay chuchu, gamuk gamuk ang todo bigay." Iisipin ng mambabasa ng rebyung ito na gaguhan lang ang mga halimbawang 'yan, pero hindi. Ganyan po talaga ang lebel ng diskusyon.

Pero buti na lang iba ang tereyn na gustong okupahin nina Deleuze, iba ang standard ng pangsukat sa kanila. Hindi nga raw "Ano ito?" kundi "Ano ang pwedeng gawin dito? Ano ang mga potensyal nito? Saan ito pwedeng ikabit, pwedeng ihalo? Ano ang pwedeng likhain mula rito?" Sa libro ni Claire Colebrook, halimbawa, sinabi niyang hindi naman mga tao ang mga tauhan sa mga nobela ni Austen, kundi koleksyon ng mga pangalan at paglalarawan. Mahusay itong anti-humanistang tindig at pinapalawak ang pwede pang gawin sa panitikan.

Sa standard nina Deleuze, may pagkukulang si Adkins. Una, ang mga interesante niyang pinaliwanag ay iyong madali-dali namang intindihin (pangunahin dito ang rhizome). Pangalawa, talaga nga namang chuchu ang pinagsasabi nina Deleuze sa ibang larangan, halimbawa sa pag-aaral ng heolohiya at sa kapitalismo. Pangatlo, paulit-ulit ang ilang slogan dito, "mag-eksperimento, pero maging maingat." Nakakainis 'yan kasi mag-eeksperimento ka nga e, ba't ka mag-iingat? Pang-apat, bagaman naiiwasan niyang gawing dogmatic sina Deleuze (hindi ito "masama ang stasis lagi! mabuhay ang pagbabago!"), sa huli nagiging tuloy parang self-help book ang lapit nila: "Ang stasis minsan mabuti, minsan masama." Kulang na lang sabihing ang kailangan sa buhay ay balanse. Anong interesante roon? Ano ang kamangha-mangha?