Showing posts with label libro. Show all posts
Showing posts with label libro. Show all posts

Saturday, January 16, 2016

Deleuze and Guattari's A Thousand Plateaus





Sabi nina Deleuze, mas mahalaga sa pagiging totoo ng isang proposisyon ang pagiging interesante o kamangha-mangha o may silbi nito. Meron bang interesante, kamangha-mangha, o may silbi sa gabay na itong isinulat ni Brent Adkins? Oo, medyo oo, medyo.

Lubhang napakahirap basahin nina Deleuze (pwera siguro ang Presentation of Leopold von Sacher-Masoch), at nakakatuwa pag may darating na magpapaliwanag at masasabi mo sa sarili mong hindi ka pala nagsasayang ng oras sa pagbabasa ng basura (halimbawa, ang gabay ni Michael Hardt sa unang bahagi ng Anti-Oedipus). Marami namang naipaliwanag si Adkins dito (halimbawa, ang kahulugan ng "body without organs" [ito ang katawang hindi nahati-hati at naorganisa ayon sa isang klasipikasyon, i.e. ito ang katawang mayroon pang potensyal na maging ganito't ganire], pari na rin ang "abstract" sa "abstract machine" [ang abstract ay kabaliktaran hindi ng concrete kundi ng discrete, i.e. ang abstract ay hindi pa rin nakakaklasipika ayon sa isang sistema at mayroong potensyal]). Pero hindi tulad nina Zizek at Fink tungkol kay Lacan, kung saan pagkatapos mo sa paliwanag ay maaari mo nang puntahan ang primaryang teksto at kahit papaano'y mas handa ka nang basahin ito nang mag-isa, sina Deleuze ay nanatiling sarado.

May limitasyon ang naging lapit ni Adkins. Bawat kabanata'y dapat tuamyo sa sarili nito, pero nagiging dependent ang kanyang mga diskusyon sa mga naunang pagbibigay-kahulugan sa mga naunang bahagi. Kunwari, sa unang kabanata, binigyang-kahulugan ang "chuchu" bilang "mekmek ng langis." Sa ikalawang kabanata, babanatan ka ng "ang 'peper' ay chuchu na ginapos." Pagkatapos, sa ikatlong kabanata, hihirit naman ng "kung sa paper ay chuchu, gamuk gamuk ang todo bigay." Iisipin ng mambabasa ng rebyung ito na gaguhan lang ang mga halimbawang 'yan, pero hindi. Ganyan po talaga ang lebel ng diskusyon.

Pero buti na lang iba ang tereyn na gustong okupahin nina Deleuze, iba ang standard ng pangsukat sa kanila. Hindi nga raw "Ano ito?" kundi "Ano ang pwedeng gawin dito? Ano ang mga potensyal nito? Saan ito pwedeng ikabit, pwedeng ihalo? Ano ang pwedeng likhain mula rito?" Sa libro ni Claire Colebrook, halimbawa, sinabi niyang hindi naman mga tao ang mga tauhan sa mga nobela ni Austen, kundi koleksyon ng mga pangalan at paglalarawan. Mahusay itong anti-humanistang tindig at pinapalawak ang pwede pang gawin sa panitikan.

Sa standard nina Deleuze, may pagkukulang si Adkins. Una, ang mga interesante niyang pinaliwanag ay iyong madali-dali namang intindihin (pangunahin dito ang rhizome). Pangalawa, talaga nga namang chuchu ang pinagsasabi nina Deleuze sa ibang larangan, halimbawa sa pag-aaral ng heolohiya at sa kapitalismo. Pangatlo, paulit-ulit ang ilang slogan dito, "mag-eksperimento, pero maging maingat." Nakakainis 'yan kasi mag-eeksperimento ka nga e, ba't ka mag-iingat? Pang-apat, bagaman naiiwasan niyang gawing dogmatic sina Deleuze (hindi ito "masama ang stasis lagi! mabuhay ang pagbabago!"), sa huli nagiging tuloy parang self-help book ang lapit nila: "Ang stasis minsan mabuti, minsan masama." Kulang na lang sabihing ang kailangan sa buhay ay balanse. Anong interesante roon? Ano ang kamangha-mangha?


Thursday, December 24, 2015

In the Land of Invented Languages








Interesante itong libro ni Arika Okrent na naengkwentro ko habang naghahanap ng kopya ng mga libro ni Mark Rosenfled, awtor ng The Planet Construction Kit, na tungkol sa paglikha ng sariling wika. Napakahirap arukin kahit ng The Language Construction Kit (i.e. mas mababang lebel pa sa The Advanced Language Construction Kit). Bagaman hindi how-to ang libro ni Okrent, marami pa rin itong insayt sa paglikha ng sariling wika.

"Adventures Linguistic Creativity, Madness, and Genius" ang subtitle ng libro ni Okrent, at ito ay may hibo ng personal (kumbaga parang creative non-fiction ang lapit n'ya, hindi lang parang). Nakasentro ang kanyang libro sa apat na "wika": "philosophical language" ni John Wilkins, Esperanto ni L. L. Zamenhof, Blissymbolics ni Charles Bliss, Loglan ni James Cooke Brown. Gayundin, pambookend ang engkwentro at "pagsakop" ni Okrent sa Klingon.

Dahil nga kwento, at may bida, meron ding kontrabida. Ang pinakamalaking kontrabida ni Okrent ay si Bliss, na eratik ang beheyvor at palaaway. Tatamaan ka talaga ng "Bliss, self-proclaimed savior of humanity, stole $160,000 from crippled children" (192). May pagkaasar din si Brown.

Mahusay ang argumento ni Okrent re bakit namatay ang mga "perpektong wika" hindi lang ng apat n'yang pinaksa kundi ang napakaraming katulad nila. Sa madaling sabi, mahirap na umasang maaakit ang mga tao sa isang wika dahil sa "gamit" nito. Samantala, ang Klingon, na mapaglaro, ay may aktibong komunidad na nakikisangkot (hindi sa walang aktibong komunidad sa Esperanto at Loglan, at hindi sa kaunti ang natutulungan ng Blissymbolics). Hindi bug kundi feature ang mga itinuturing natin na irregularities sa mga likas na wika.

Ang librong ito ay dapat basahin ng mga mahilig sa wika, kasama na ang mga manunulat. Marami s'yang impormasyon na maaaring maging line of flight para sa iba't ibang proyekto n'yo. Mahilig ding magpatawa si Okrent, at hindi s'ya korni.