Interesante itong libro ni Arika Okrent na naengkwentro ko
habang naghahanap ng kopya ng mga libro ni Mark Rosenfled, awtor ng The Planet Construction Kit, na tungkol
sa paglikha ng sariling wika. Napakahirap arukin kahit ng The Language Construction Kit (i.e. mas mababang lebel pa sa The Advanced Language Construction Kit).
Bagaman hindi how-to ang libro ni Okrent, marami pa rin itong insayt sa
paglikha ng sariling wika.
"Adventures Linguistic Creativity, Madness, and
Genius" ang subtitle ng libro ni Okrent, at ito ay may hibo ng personal
(kumbaga parang creative non-fiction ang lapit n'ya, hindi lang parang).
Nakasentro ang kanyang libro sa apat na "wika": "philosophical
language" ni John Wilkins, Esperanto ni L. L. Zamenhof, Blissymbolics ni
Charles Bliss, Loglan ni James Cooke Brown. Gayundin, pambookend ang engkwentro
at "pagsakop" ni Okrent sa Klingon.
Dahil nga kwento, at may bida, meron ding kontrabida. Ang
pinakamalaking kontrabida ni Okrent ay si Bliss, na eratik ang beheyvor at
palaaway. Tatamaan ka talaga ng "Bliss, self-proclaimed savior of
humanity, stole $160,000 from crippled children" (192). May pagkaasar din
si Brown.
Mahusay ang argumento ni Okrent re bakit namatay ang mga
"perpektong wika" hindi lang ng apat n'yang pinaksa kundi ang
napakaraming katulad nila. Sa madaling sabi, mahirap na umasang maaakit ang mga
tao sa isang wika dahil sa "gamit" nito. Samantala, ang Klingon, na
mapaglaro, ay may aktibong komunidad na nakikisangkot (hindi sa walang aktibong
komunidad sa Esperanto at Loglan, at hindi sa kaunti ang natutulungan ng
Blissymbolics). Hindi bug kundi feature ang mga itinuturing natin na
irregularities sa mga likas na wika.
Ang librong ito ay dapat basahin ng mga mahilig sa wika,
kasama na ang mga manunulat. Marami s'yang impormasyon na maaaring maging line
of flight para sa iba't ibang proyekto n'yo. Mahilig ding magpatawa si Okrent,
at hindi s'ya korni.