Monday, February 22, 2016

Calamity




Steelheart pa rin ang pinakamaganda sa trilohiya. Madalas, ang pangalawang libro sa ganitong serye ang pinakapangit, kasi set up lang s'ya sa ending. Hindi ito ang kaso sa Reckoners, kasi mas maganda pa rin ang Firefight kaysa dito sa Calamity.

Unang problema, ang hilig kasi hindi Sanderson na ilevel up ang kanyang mga bida. Hindi ko na uulitin dito ang kaso ni Elend sa Mistborn, pero maasar talaga ako kung gawin n'ya ito kay Adolin sa Stormlight Archive. Sa Reckoners, ayun nga. Ang magaling nga kay David ay tao lang s'ya. Ang magiting nga sa kanya, kaya n'yang tanggihan ang kapangyarihan. Pero ayun, sa dulo, naging s'ya si Steelheart. O sige, mahusay ang simetri, pero nasira ang character development. (Mali rin ang tayming ng pagmanifest nito. Bakit kailangan noong bumubulusok sila e kaya namang gumawa ng forsfild ni Prof? Wala namang panganib, di tulad noong nakagawa si David ng shild habang binabaril sila.)

Pangalawang problema, naging misteryo lang si Calamity. Hindi ito tulad ng Mistborn o ng Elantris na bukas pa ang universe pero bukas pa ang kwento. Ano si Calamity? Bakit s'ya nega? Bakit ganun na lang ang epekto n'ya sa mga tao? Tao kasi s'ya e, o entidad. Samantalang ang Lord Ruler may background, panaginip, motibasyon, trahedya, sfx lang si Calamity (para tuloy s'yang ang manlalakbay ng sansinukob sa Excession ni Banks). Ngayon, okey lang sana 'yon at hindi panira. Kaso minadali rin hindi lang ang nilalaman kundi ang anyo ng nobela--dalawang kabanata lang para magkaroon ng konklusyon. Hindi ko binibili ang "pagtanggap" ni Megan sa kung anong katarantaduhan ang kailangang tanggapin ng isang may kapangyarihan para ariin ang kanyang kapangyarihan at hindi maging salamin lamang ni Calamity. Malabo ang mitolohiya ng trilohiya, na hindi problema ng Steelheart pero problema ng Calamity. Simple lang kasi dapat ang solusyon sa mga konvyuluted na banghay. Si Steelheart, napatay kasi ang kahinaan n'ya ay taong walang takot sa kanya. E si Calamity... Ang kahinaan n'ya ay... makumbinsing s'ya ang masama? Kapanipaniwala ang paggapi kay Prof kasi tatlong nobela nang kinakalikot ang kanyang puso't isip. E si Calamity? Hindi sa mali ang pamagat ng nobela, mali lang ang paghandel nito sa pinakaimportanteng tauhan.

Pangatlong problema, nabanggit din naman si Megan, sobra-sobra naman ang kapangyarihan n'ya. May mga batas si Sanderson, hindi ko alam kung ang una o ikalawa itong isasayt ko, at hindi eksakto ang pagkakaalala ko sa kanya, pero: hindi dapat maging solusyon sa problema ang mahika kung hindi sapat ang pagkakapaliwag nito. Dahil mala-diyos ang kapangyarihan ni Megan, s'ya na lang ang laging inaasahan. At sa "pagtanggap" n'ya nito, wala na itong consequences. Para tuloy s'yang Mage na wala nang inaalalang Paradox. O Superman sa mundong walang kryptonite.

Thursday, February 4, 2016

The Bands of Mourning





Ang pinakanakakainis na bahagi ng The Well of Ascension ay ang pagtransform kay Elend tungo sa pagka-Mistborn. Nilipat tuloy mula kay Vin papunta sa kanya ang pagkabida. Sidekick lang dapat s'ya e, ang aristokratang may mali-maling pagkakaintindi sa demokrasya. Pero hindi naman kasi si Collins si Sanderson, kaya mali-mali ang sexual politics. Kapantay nito sa lebel ng hindi maaaring mapatawad ang mga filler scenes sa The Hero of Ages. Nagskip talaga ako ng mga pahina. Dito rin sa Bands, nagskip ako. Sorry Sanderson, pero hindi naman ako nagbabasa para bagsakan ng paglalarawan ng mga nagbabarilan na wala namang punto.

Binili ko ang The Alloy of Law dahil naka-sale ito sa National. Marami talagang interesanteng ideya si Sanderson, at nabighani ako sa figura ni Miles Hundredlives. Magaling talaga s'ya sa pagwork out ng magical systems. Tsaka syempre, pag meron namang punto ang mga eksena ng patayan, exciting basahin ang mga ito.

Bagaman hindi kapani-paniwala ang pagmamahal ni Wayne kay Ranette (mas gusto ko pa rin 'yung back story n'ya sa Shadows of Self kung saan inaaway s'ya ng anak ng taong pinatay n'ya, at lagi s'yang nagpepenetensya), talagang malinis ang love story nina Wax at Steris dito sa Bands. Magaling talaga si Sanderson sa pagmamahalan, basahin lang ang huling mga talata ng The Final Empire, o ang Steelheart at Firefight. Gayundin, mahusay ang representasyon ng pagfall out of love ni Marasi kay Wax. Syempre, ideolohikal ang pagturing sa mga tauhan bilang tao.

Gusto ko rin dito sa libro ang pagsurvive ng Lord Ruler para kahit papaano ay magpenetensya. (Pero hindi ko gusto ang spoiler na buhay ang "multo" ni Kelsier. Nag "survive" ang Survivor kasi nga namatay s'ya. Ano ba namang bahagi ng teolohiyang iyon ang hindi mo magets, Ginoong Sanderson?) Naiinis ako na meron na namang paraan para magbigay ng pagka-Mistborn kahit kanino (ang Bands of Mourning ng pamagat), lalo na't nalaman ko (ngayon lang) na ginawa palang Mistborn si Spook (ni Harmony?) sa epilogue ng The Hero of Ages (medyo hindi ako attentive magbasa).

Nakakainis din na lahat na lang binibigay ni Sanderson kay Harmony. Mahina pa rin ang pagpapaliwanag kung bakit hindi nito tinutulungan ang mga tao lagi-lagi. Mas gugustuhin ko ang walang hanggang sarap kaysa may hangganang kalayaan. AT kung tunay nga tayong malaya, dapat pwede tayong pumili sa pagitan ng dalawang option na 'yan. Para namang tanga si Wax kung maniniwala s'yang masayang lumipat sa kung saang realm ang kaluluwa ni Lessie (na panay Leslie ang tawag ko).

Sobrang kupal ni Wayne kay Steris sa Shadows, kaya't mabuti pinagsabihan na s'ya ni Wax dito sa Bands. Speaking of kupal, ang kupal nga lang ni Telsin/Sequence. At nakakatawa ang pagpatay nila kay Suit.

Akala ko ito na ang huli sa trilohiya. Tetralohiya pala itong seryeng Wax and Wayne. Okay lang, gusto ko pa rin naman ang mga tauhan. At talagang walang guilt sa pagskip sa mga pahina ni Sanderson, kasi bagaman may lalim ang kanyang mga ideya, wala ang mga salita. Samantala, hinihintay ko ang Calamity na dapat ay tamang tapusin ang seryeng Reckoners, pati na rin ang Death's End ni Cixin Liu.

Monday, January 25, 2016

Wittgenstein Jr.



Natutuwa ako sa mga nobelang may "A Novel" bilang subtitle dahil kakaiba ang mga pamagat at baka akalaing cnf. Cover pa lang dapat nagbebenta ka na.

Ano pa ba ang pwedeng sabihin tungkol kay Lars Iyer? Nakakatawa ang Exodus, at pinakamagandang nobela sa kanyang trilohiya ang Spurious. Ganito lang ba s'ya magsusulat magpakawalang hanggan? Nasaan ang pag-abante mula sa trilohiya?

May "plot" na kasi kahit ang Spurious, pero sige, sabihin na nating kulang iyon. Pero ang sa Exodus, plot na talaga. Kaya hindi matatawag na bago ang plot sa Wittgenstein Jr. Ang ibig kong sabihin, ba't di ko na lang basahing muli ang trilohiya?

Ang kakaiba rito, syempre, ay ang pagmamahal ni Peters kay Wittgenstein Jr. Kaya nga lang, biglaan ito. Hindi sapat ang naging foreshadowing. At isa pa, maiintindihan kung bakit n'ya gustong makasex si Wittgenstein Jr. (sapiosexuality ba ito?), pero ang hindi maintindihan ay ang kanyang pagmamahal. "Am W.'s boyfriend," text n'ya sa isang kaibigan, nagmamalaki.

Sinubukan kasing magrepresenta ng tao ang nobela, e hindi naman bagay ang istilo nito sa represenstasyon, ng tao o ng pagmamahal. Bagaman hindi totoo na "Love is unutterable" (tulad ng sabi ni Wittgenstein Jr.), pwede nating sabihin na hindi nga ito pwedeng iusal sa paraan ni Iyer. At ang patunay ng proposisyong ito'y ang kawalan ng fuerza ng "He's gone" bilang huling pangungusap ng nobela.

Kung gayon may dalawang daan ang maaaring hinaharap ngayon ni Iyer. Sa isa, babalik na lang s'ya sa katarantaduhan tulad ng kina Lars at W. Doon naman s'ya magaling. Sobrang kupal lang ng put down n'ya kay Badiou sa Exodus. At dito sa Wittgenstein Jr., walang tatalo sa mga dula ni Guthrie.

Ang ikalawa n'yang maaaring gawi'y tahakin ang mas nakakapanibagong daan. Iyong hindi s'ya aasa sa tricks na alam na n'ya (halimbawa iyong mga italics na benta nga naman). Iyong maghahanap s'ya ng bagong eksperimental na anyo na kayang maging tahanan ng mga paksang hindi nga pangungupal (halimbawa, pagmamahal). Kasi hindi tugma e. Hindi akma. Hindi sakto.



Saturday, January 16, 2016

Deleuze and Guattari's A Thousand Plateaus





Sabi nina Deleuze, mas mahalaga sa pagiging totoo ng isang proposisyon ang pagiging interesante o kamangha-mangha o may silbi nito. Meron bang interesante, kamangha-mangha, o may silbi sa gabay na itong isinulat ni Brent Adkins? Oo, medyo oo, medyo.

Lubhang napakahirap basahin nina Deleuze (pwera siguro ang Presentation of Leopold von Sacher-Masoch), at nakakatuwa pag may darating na magpapaliwanag at masasabi mo sa sarili mong hindi ka pala nagsasayang ng oras sa pagbabasa ng basura (halimbawa, ang gabay ni Michael Hardt sa unang bahagi ng Anti-Oedipus). Marami namang naipaliwanag si Adkins dito (halimbawa, ang kahulugan ng "body without organs" [ito ang katawang hindi nahati-hati at naorganisa ayon sa isang klasipikasyon, i.e. ito ang katawang mayroon pang potensyal na maging ganito't ganire], pari na rin ang "abstract" sa "abstract machine" [ang abstract ay kabaliktaran hindi ng concrete kundi ng discrete, i.e. ang abstract ay hindi pa rin nakakaklasipika ayon sa isang sistema at mayroong potensyal]). Pero hindi tulad nina Zizek at Fink tungkol kay Lacan, kung saan pagkatapos mo sa paliwanag ay maaari mo nang puntahan ang primaryang teksto at kahit papaano'y mas handa ka nang basahin ito nang mag-isa, sina Deleuze ay nanatiling sarado.

May limitasyon ang naging lapit ni Adkins. Bawat kabanata'y dapat tuamyo sa sarili nito, pero nagiging dependent ang kanyang mga diskusyon sa mga naunang pagbibigay-kahulugan sa mga naunang bahagi. Kunwari, sa unang kabanata, binigyang-kahulugan ang "chuchu" bilang "mekmek ng langis." Sa ikalawang kabanata, babanatan ka ng "ang 'peper' ay chuchu na ginapos." Pagkatapos, sa ikatlong kabanata, hihirit naman ng "kung sa paper ay chuchu, gamuk gamuk ang todo bigay." Iisipin ng mambabasa ng rebyung ito na gaguhan lang ang mga halimbawang 'yan, pero hindi. Ganyan po talaga ang lebel ng diskusyon.

Pero buti na lang iba ang tereyn na gustong okupahin nina Deleuze, iba ang standard ng pangsukat sa kanila. Hindi nga raw "Ano ito?" kundi "Ano ang pwedeng gawin dito? Ano ang mga potensyal nito? Saan ito pwedeng ikabit, pwedeng ihalo? Ano ang pwedeng likhain mula rito?" Sa libro ni Claire Colebrook, halimbawa, sinabi niyang hindi naman mga tao ang mga tauhan sa mga nobela ni Austen, kundi koleksyon ng mga pangalan at paglalarawan. Mahusay itong anti-humanistang tindig at pinapalawak ang pwede pang gawin sa panitikan.

Sa standard nina Deleuze, may pagkukulang si Adkins. Una, ang mga interesante niyang pinaliwanag ay iyong madali-dali namang intindihin (pangunahin dito ang rhizome). Pangalawa, talaga nga namang chuchu ang pinagsasabi nina Deleuze sa ibang larangan, halimbawa sa pag-aaral ng heolohiya at sa kapitalismo. Pangatlo, paulit-ulit ang ilang slogan dito, "mag-eksperimento, pero maging maingat." Nakakainis 'yan kasi mag-eeksperimento ka nga e, ba't ka mag-iingat? Pang-apat, bagaman naiiwasan niyang gawing dogmatic sina Deleuze (hindi ito "masama ang stasis lagi! mabuhay ang pagbabago!"), sa huli nagiging tuloy parang self-help book ang lapit nila: "Ang stasis minsan mabuti, minsan masama." Kulang na lang sabihing ang kailangan sa buhay ay balanse. Anong interesante roon? Ano ang kamangha-mangha?


Thursday, December 24, 2015

In the Land of Invented Languages








Interesante itong libro ni Arika Okrent na naengkwentro ko habang naghahanap ng kopya ng mga libro ni Mark Rosenfled, awtor ng The Planet Construction Kit, na tungkol sa paglikha ng sariling wika. Napakahirap arukin kahit ng The Language Construction Kit (i.e. mas mababang lebel pa sa The Advanced Language Construction Kit). Bagaman hindi how-to ang libro ni Okrent, marami pa rin itong insayt sa paglikha ng sariling wika.

"Adventures Linguistic Creativity, Madness, and Genius" ang subtitle ng libro ni Okrent, at ito ay may hibo ng personal (kumbaga parang creative non-fiction ang lapit n'ya, hindi lang parang). Nakasentro ang kanyang libro sa apat na "wika": "philosophical language" ni John Wilkins, Esperanto ni L. L. Zamenhof, Blissymbolics ni Charles Bliss, Loglan ni James Cooke Brown. Gayundin, pambookend ang engkwentro at "pagsakop" ni Okrent sa Klingon.

Dahil nga kwento, at may bida, meron ding kontrabida. Ang pinakamalaking kontrabida ni Okrent ay si Bliss, na eratik ang beheyvor at palaaway. Tatamaan ka talaga ng "Bliss, self-proclaimed savior of humanity, stole $160,000 from crippled children" (192). May pagkaasar din si Brown.

Mahusay ang argumento ni Okrent re bakit namatay ang mga "perpektong wika" hindi lang ng apat n'yang pinaksa kundi ang napakaraming katulad nila. Sa madaling sabi, mahirap na umasang maaakit ang mga tao sa isang wika dahil sa "gamit" nito. Samantala, ang Klingon, na mapaglaro, ay may aktibong komunidad na nakikisangkot (hindi sa walang aktibong komunidad sa Esperanto at Loglan, at hindi sa kaunti ang natutulungan ng Blissymbolics). Hindi bug kundi feature ang mga itinuturing natin na irregularities sa mga likas na wika.

Ang librong ito ay dapat basahin ng mga mahilig sa wika, kasama na ang mga manunulat. Marami s'yang impormasyon na maaaring maging line of flight para sa iba't ibang proyekto n'yo. Mahilig ding magpatawa si Okrent, at hindi s'ya korni.