Tulad ng marami kong naging trip na palabas, sa Channel 5 ko unang napanood ang Frasier. Tulad din sa ibang napapanood kong sitcoms noon, tumatawa ako kasi dapat sumabay ako sa canned laughter.
Noong mga una kong bisita sa piratahan, itong Frasier ang hinanap ko. Ang swerte ko, kasi nakakuha ako ng "complete" edition. Malas nga lang kasi, una, hindi ito compressed kaya mas mahal, at pangalawa, hindi naman ito complete. Walang seasons 5, 6, 8, 9 at 10. Dapat di ko s'ya panonoorin nang buo, hinanap ko lang 'yung mga gustong episode (halimbawa ang "A Crane's Critique" at "The Impossible Dream" mula sa season 4). Pero nakakatawa e, kaya pinanood ko lahat.
Nabigla ako kasi sa unang episode ng season 11 may "last season on Frasier" akala ko di ko masusundan ang kwento. (Di naman problema, tv ito at pinapasimple lahat.) Mas lalo akong nabigla na nakakatawa ang unang season. Ang sa Seinfeld kasi, hindi. (Nito ko lang napansin na Seinfeld lang naman yata ang may unfunny first season. Hmm...)
Matagal bago ko nahanap ang limang seasons na wala ako. 'Yung 5, nahanap ko sa piratahan (muli, di compressed, pero mura this time). Tas sa wakas, nadiskubre ko ang torrent. Medyo mahirap madownload sa simula ang 8 hanggang 10. Paano walang nagseseed! Pero, ayun nga, napanood ko na lahat. Wow, what an accomplishment! Anong susunod kong gagawin, kakain ng french fries?
Natutuwa rin ako na napanood ko sa wakas ang "A Seal Comes to Dinner," ang tanging episode sa mga pirata ko na sira (kalahati lang ang napanood ko). Salamat Internet!
Sa huling limang season na napanood ko, pinakatrip ko ang 9 at 10. Sa 9 nandun ang "Deathtrap" na gusto ko talaga kasi pangnerd, tsaka may "murder mystery" (at alam n'yo naman ang sinabi ko sa rebyu ko ng The Usual Suspects: "Mystery, I love a good mystery. And The Usual Suspects is one hell of a mystery" [yakers!]). Sa 10 andun ang "Daphne Does Dinner," na nakakatawa kasi merong nahulog na kama.
Sabi sa Wikipedia, Shakespearean comedy daw ang model ng Frasier.
Ang pangarap ko'y lumikha ng sansinukob tulad ng sa Frasier, daming kasing masarap dito: merong detective-detective, merong love story, merong pop-psychology at shemps merong comedy. Sobrang nakakainis nga lang ang mga sexual harassment jokes (dapat talaga wala na si Dan "Bulldog" Briscoe) at minsan merong mga racists jokes na hindi self-aware. At minsan sobrang drama, tulad nung episode kung saan pumunta si Martin sa parole meeting ng nakabaril sa kanya, tsaka 'yung operation episode ni Niles. Pero lahat naman may flaws, at hindi ka aasa ng perfection mula sa isang sitcom mula sa Amerika.
Alam naman nating lahat na para sa akin, mas malaki, mas mahusay. Sa ganito, talagang numero unong palabas pa rin ever ang The Simpsons. Pero, sige na nga, mukhang kailangan ko nang sabihing mas mahusay ang Frasier sa Seinfeld. Huhuhu. Patawarin nawa ako ng Maykapal.